
.............................................
.............................................
etu yung isang libro na trip kong ma purchase. gawa ng Canvas. nakakaaliw kasi yung story pati illustration. isinulat ni FERNANDO ROSAL GONZALEZ at pinta ni Rodel Tapaya-Garcia.
nilalagay ko dito dagdag inspirasyon. para balik balikan ko. syempre para maalala ko rin na bibilhin ko ito.
enjoy reading.
“Ang Batang Maraming Bawal” is the winner of CANVAS’ second annual Romeo Forbes Children’s Storywriting Competition, and is a simple tale of innocent hope and imagination.
Written originally in Filipino, our biggest difficulty was the title, for which we could not find any appropriate translation.
Suggested English titles like “The Boy Who Couldn’t Do Much,” “The RX Kid,” “The Boy Who Couldn’t” or, what probably is the closest translation, “The Boy Who Wasn’t Allowed to Do a Lot of Things” – all couldn’t capture the spirit and humor of the original title.
In the end, we chose the easiest solution, which was to simply refuse to translate the title.
..............................................
..............................................
Kung ang ibang bata, takot sa ospital, ako yata, sa lahat ng mga bata
ang maninibago sakaling lumipas ang isang buwan na hindi man lamang
nakakadalaw sa aking doktor.
Kami raw ang mga batang sa pagkasilang pa lang ay mayroon ng mga
kapansanan. Sabi ng iba, kami raw ang mga tipo ng bata na kahit kailanman
ay hindi tatanda. Ang tawag nila sa akin, si Romeong Mapangarapin.
Mahilig daw kasi akong managinip nang gising. At napansin din ng iba na
ilang buwan pa lang nang ipinanganak ako, parati na akong nagtututuro ng
mga bagay na kahit kailanman ay hindi ko maaabot.
Nawili akong pagmasdan mula sa ituktok ng bahay namin ang mga paisa-isang
lobong kumakawala sa tuwing may kaarawan sa kapitbahay. Nahilig din ako
sa pagtanaw sa mga ibon sa alapaap, sa mga paruparong tumatalon-talon
sa bawat bulaklak, at maging sa bahaghari.
Sa panaginip ko, parati akong lumilipad.
Kapag binabanggit ko ang mga ito kay Tatay, nangingiti lang siya sa akin.
“Mahilig ka kasing manood ng mga paborito mong superheroes sa TV,
” sinasabi niya. “Kaya dala mo hanggang sa panaginip ang paglipad tulad nila.”
Kapag nagigising na ako sa totoong mundo, pakiramdam ko’y muli na
namang mananaig ang kalungkutan, ang pakiramdam na ako’y nag-iisa
- malayo sa mga bata, malayo sa laro.
“Huwag kang lumabas ng bahay, Romeo.
Bawal sa iyo ang tumakbo at baka ikaw ay madapa.
Bawal sa iyo ang magalusan o masugatan.
Bawal sa iyo ang magkapasa.
Bawal sa iyo ang makipaglaro ng ball games dahil baka
matamaan ka kung hindi ng kalaro mo, ay ng bola…”
Kaya madalas, mas inaasam-asam ko ang bumalik na lang sa aking mundo
ng mga pangarap. Sa mundong iyon, malaya kong nagagawa ang mga
bagay na kahit kailan ay hindi ko maisasakatuparan sa totoong mundo.
Isang araw, napag-isip ako.
Totoo kayang ang mundo’y para lang
Sa malalakas,
Sa magagaling,
Sa mabibilis,
Sa mahuhusay,
Sa mga maliliksi?
Buti na lamang at nandoon si Tatay para kausapin ako.
“Tandaan mo, anak. Hindi mo man magawa ang ibang bagay, hindi iyan
makasasagabal sa mga bagay na maaari mong gawin. Nandito kami
ng nanay mo para suportahan ka.”
May kakayahan daw akong lumikha ng mga tula, isang bagay na
ikinatutuwa ng ilan kong mga guro sa paaralan.
Saan nga ba pumupunta ang hangin
Kung hindi sa mga awitin?
Kahit pa ang mga daho’y nalalaglag
Ang puno’y nananatiling matatag
“Saan mo hinuhugot ang mga katagang iyan, Romeo?” tanong minsan
sa akin ni Inay.
“Ginagaya ko lamang po si Balagtas!” biro ko sa kanya.
Mga aklat at babasahin ang malimit kong kasama. At pinuno ko ng mga
tula and mga kwaderno ko sa paaralan.
Ang nais ko’y makasama kayo
Para hindi na ako nag-iisa
Pero naisip ko, bakit ba ang maya
Lumayo ma’y bumabalik rin sa kanyang Ina?
“Makata ka talaga!” Tuwang-tuwa si Inay nang minsang mabasa
ang isinulat ko.
Niyakap niya ako. Ako na ang pumigil sa kanya.
“Inay, huwag masyadong mahigpit, at baka magkapasa ako!”
Isang gabi gumawa ako ng tula para sa aking mga magulang.
Kung Bakit Espesyal Kayong Dalawa Sa Akin
Ni Romeong Mapapangarapin
Para kayong asukal sa matabang na kape
Ang asin na pampalasa sa ulam na kare-kare
Yelong pampalamig sa gulaman at sago
Ang sari-saring ulam sa nag-iisang kaning ako!
“Ano bang gusto mo para sa iyong kaarawan?” Minsan ay nabanggit
sa akin ni Tatay.
“Gusto ko, ‘Tay, ng mga bagay na lumilipad – tulad ng lobo, ulap, ibon, o bahaghari…”
Dahil magaling na pintor si tatay, ngumiti na lang siya at sinimulang gumuhit
sa kanyang kuwadro.
Nang dumating ang aking kaarawan, masaya niyang ibinigay sa akin ang
kuwadro – buhay na buhay niyang iginuhit ang mga bagay na
paboritong-paborito ko: mga lobo, ulap, ibon, at iba pang mga bagay na lumilipad.
Kinagabihan, lubos ang kasiyahan ko nang ako’y makapanaginip na
ako daw ay nakasabit sa parachute at pirmeng tinatangay ng hangin
at hindi makalapag-lapag sa lupa.
“Paano kaya kung libutin ko ang buong Pilipinas sa loob ng isang araw?”
bulong ko sa sarili.
Wala na’ng kalarong mangangantiyaw sa akin. Walang mga nanunukso.
At higit sa lahat, wala nang bawal na maaari kong gawin.
Tila yata may nakarinig sa kahilingan kong mamasyal at libutin ang
buong Pilipinas sa loob ng isang araw.
Noong gabing iyon, ang dami kong narating.
Tangay-tangay ng higanteng parachute, nakita ko ang malawak na
Banaue Rice Terraces, ang Bulkang Mayon, at maging ang mayuming
Hundred Islands ng Pangasinan.
Masayang hinagod ng mga mata ko ang mga palayan sa Central Luzon,
ang mga makasaysayang simbahan sa Ilocos, at ang mga balyenang
lumulutang sa Donsol.
At kay haba-haba pala ng San Juanico Bridge na nagdurugtong sa
Samar at Leyte! Kay taas din ng Mt. Apo at kay rikit ng Pagsanjan Falls!
Nagising ako na kipkip sa dibdib ang kuwadro. Uhaw na uhaw akong
gumising at uminom agad ng isang basong tubig. Parang ang layo ng
napasyalan ko!
Sabi ni Tatay, mukhang masayang-masaya daw ako habang natutulog
dahil nakatodo ngiti raw ako.
“Tatay, napakaganda pala ng Pilipinas!”
“Talaga? Paano mo nasabi? Hindi ka pa naman nakakalayo dito sa
ating bayan ah?”
“Basta, sa mga panaginip ko, nakita kong na na napakaganda pala
ng bayan natin!”
“O, magbihis ka na. Lalakad na tayo.” Paalala ni Tatay.
Mayamaya lang ay pupunta muli kami sa doktor para sa aking
regular checkup.
At hindi na ako makapaghintay dahil ikukuwento ko sa aking doktor
at maging sa ilang kapwa ko pasyente ang nangyari sa aking masayang
paglalakbay!
http://canvas.ph/Ang_Batang_Maraming_Bawal.htm............................................
............................................